MANILA, Philippines — Para na rin sa kaligtasan ng mga driver at kanilang pasahero ay mahigpit nang ipinagbabawal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpasada ng mga pedicab at tricycle sa national highway sa Metro Manila at mga lalawigan.
Inisyu ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año ang kautusan sa lahat ng city at municipal mayors matapos na mapansin ang mga bumibiyaheng pedicab at tricycle sa national highways sa kanyang opisyal na biyahe.
Anya, bagama’t malaking tulong ang tricycle at pedicab operations para sa kabuhayan at pagkakakitaan ng mga drivers nito sa urban center at rural areas ay mapanganib naman sa kanilang kaligtasan kung bibiyahe sila sa mga national highway na dinadaanan din ng mga malalaki at matutuling behikulo.
Nilinaw naman ng DILG chief na papayagan pa rin ang mga pedicab at tricycle na makadaan sa main highways nang nakasasakop na sangguniang panlungsod o sangguniang bayan, kung talagang walang alternatibong ruta sa mga patutunguhan ng kanilang mga sakay.