Minahan sa CAR pinatigil ng DENR

Patuloy ang isinasagawang retrieval operation ng mga tauhan ng PNP at AFP sa naganap na landslide sa Brgy. Ucab, Itogon, Benguet at umaasang may makuha pang buhay sa mga natabunan na tao na karamihan ay minero.

MANILA, Philippines — Kasunod na nangyaring landslide sa Itogon, Benguet na kung saan ay 34 katao ang unang ulat na namatay matapos matabunan ng lupa habang nasa 42 pa ang hinahanap ay iniutos kahapon ni DENR Sec. Roy Cimatu ang pagpapahinto sa lahat ng small scale mining activities sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Sinabi ni Sec. Cimatu na aatasan niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipatupad ang cease and desist order laban sa patuloy na aktibidad ng mga small-scale mining operations sa Itogon at iba pang lugar sa CAR.

Ayon kay Cimatu na karamihan sa mga nagmimina ng small-scale sa Itogon at ibang parte ng CAR ay illegal at hindi mula sa Itogon kundi mula sa Ifugao habang ang mga may hawak na temporary permits para sa small scale mining ay binawi ng DENR dahil sa nangyaring landslide sa Itogon kaya’t pinawalang bisa ang permit ng lahat ng mining firm sa CAR.

Samantala, 99 porsiyento na malabo nang marekober ng buhay ang tinatayang 40-50 pang katao na na-trap sa delubyo ng landslide sa kasagsagan ng pananalasa  ng super ­bagyong Ompong.

Ito ang inihayag kahapon ni Itogon, Benguet Mayor Victorio Palangdan na sinabing maliit na ang tsansa at milagro na lamang na may mabuhay pa sa mga na-trap na biktima.

Base naman sa tala ng Regional Offices umaabot na sa 65 ang naitalang nasawi na karamihan ay mga minero.

Related video:

Show comments