36 katao patay kay Ompong

Ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, 30 bangkay na ang nahukay mula sa gumuhong lupa at tatlo pa lang ang nakilala.
AFP/JJ Landingin

Minahan gumuho…

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 36 katao na ang nasawi sa pa­nanalasa ng bagyong “Ompong” kabilang ang 30 minerong nahukay mula sa gumuhong lupa sa Itogon, Benguet, at anim pa mula sa iba pang dako sa hilagang Luzon na binayo ng bagyo nitong mga nagdaang araw, ayon sa ulat kahapon.

Ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, 30 bangkay na ang nahukay mula sa gumuhong lupa at tatlo pa lang ang nakilala.

Ang lugar ay dating ginagamit ng mga minero ng nagdaang Benguet Corp. may 100 taon na ang nakaraan.

Ang bunkhouse aniya ay nakatayo sa bukana ng mine tunnel sa ilalim ng matarik na bundok.

Habang isinusulat ito, patuloy ang rescue operations ng mga awtoridad.

Samantala, anim pa ang napaulat na nasawi sa Luzon dahil sa pananalasa ng Bagyong Ompong. Apat mula sa Nueva Vizcaya; isa naman mula sa Ilocos Region at isa sa Cagayan.

Sa Nueva Vizcaya, isang pamilya na binubuo ng apat na miyembro ang nasawi kahapon matapos mabaon din sa landslide ang kanilang bahay nang gumuho ang bundok sa liblib na Barangay Banao, Kayapa, Nueva Viscaya noong Sabado.

Kinilala ang mga nasawi na sina Gilbert Aliaga 36; misis nitong si Rosalyn 29; at mga anak na sina Reygan, 2 at Rinalyn, 4 buwang gulang.

Nakaligtas naman ang nakatatandang mga anak na sina Joe 10, Rosemarie 9 at Jenny Rose, 7 dahil nanunuluyan sila sa bahay ng kanilang lolo nang mangyari ang trahedya dakong alas-4:00 ng hapon.

Sa Ilocos Sur naman, nabatid na naglilinis lamang ng mga debris ang isang lalaki nang madaganan ito ng natumbang puno ng mangga.

Isang residente sa Kalinga ang nasawi naman matapos madaganan ng bitak ng bato dahil sa pagkakasadsad ng lupa.

Show comments