MANILA, Philippines — Swak sa kulungan ang anim na katao kabilang ang dalawang kawani ng City Environment and Natural Resources Office o CENRO makaraang makumpiskahan ng nasa P2-milyong halaga ng shabu sa ikinasang drug-bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng Bacoor City Police ang mga nasakoteng suspek na sina Ariston Menez, 42, at Romeo Menez, 41-anyos; pawang empleyado ng CENRO; Luzviminda Barrameda, 36; Olive Barrameda, 19; Ma. Madiline Gemino, 44; Gerardo Quinton, 49 taong gulang.
Isang pulis ang umaktong poseur buyer at nakipag-deal sa mga suspek ng 1.5 gramong shabu na may halagang P10,000.
Ang tatlong suspek na babae ang magkakasamang nakipag-deal sa nasabing buyer, at nang magpositibo ay dito na sila dinakma ng mga otoridad, habang ang tatlo pang suspek na nagsilbing look-out ay agad ding nadakip.
Unang nasabat sa mga ito ang may 226.9 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1, 542, 920.00, at isa pang maliit na plastic container na may shabu na tumtimbang ng 63.4 grams na nagkakahalaga ng P431,120.00.