Duterte dadalawin ang mga sinalanta ng bagyo

Ito ang sinabi ni Pre­sidential Spokesperson Harry Roque kasabay ng isinagawang command conference ng mga mi­yembro ng Gabinete sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) office sa Quezon City.
File

MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ng Malacañang na bibisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga lugar na hinagupit ng bagyong Ompong sa sandaling bumuti na ang panahon at puwede nang lumipad ang helicopter nito sa mga apektadong lugar.

 

Ito ang sinabi ni Pre­sidential Spokesperson Harry Roque kasabay ng isinagawang command conference ng mga mi­yembro ng Gabinete sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) office sa Quezon City.

Ayon kay Roque, kahapon ay nasa Maynila pa rin ang Pangulo at mino-monitor ang mga nangyayari. Kalimitang nagtutungo ang Pangulo sa Davao kung weekends.

Sinabi rin ni Roque na iniutos ng Pangulo ang pagsasagawa ng command conference at inatasan sila na ipalaganap ang impormasyon tungkol sa update ng bagyo.

Nauna ng nagsagawa ng command confe­rence ang Pangulo noong nakaraang Huwebes sa tanggapan ng NDRRMC para tiyakin na nakahanda ang lahat ng ahensiya ng gobyerno sa pagdating ng Bagyong Ompong.

Show comments