MANILA, Philippines — Maaaring lumaki pa ang halaga ng sisingiling multa ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Xiamen Airlines sa ginawa nitong perwisyo nang sumadsad sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal sa imbestigasyon ng House Committee on Transportation na sa ngayon ay mahigit P33 milyon pa lamang ang nakukwenta nila na maaaring singilin multa sa Xiamen Airlines.
Ayon naman kina Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento at 1CARE Rep. Roman Uybarreta na maliit ang halagang hinahabol sa kasalukuyan ng gobyerno na kung tutuusin ay halos abutin na ng trilyong piso ang economic loss na idinulot sa bansa ng disgrasya ng eroplano ng Xiamen Airlines kaya hindi sapat ang multang ipapataw na ito.
Pero sinabi ni Monreal, handa silang taasan pa ang hahabuling halaga sa Xiamen Airlines kung bibigyan sila ng otorisasyon na ipataw dito pati ang iba pang bahagi ng economic loss.