Carto sketch ng Isulan bomber, inilabas ng PNP

MANILA, Philippines — Inilabas na kahapon ng Police Regional Office (PRO) 12 ang cartographic sketch ng pangunahing suspek sa malagim na pambobomba sa Hamungaya festival na ikinasawi ng tatlo katao habang 36 pa ang nasugatan sa Isulan , Sultan Kudarat noong nakalipas na Agosto 28 ng gabi.
Ayon kay Chief Supt. Eliseo Rasco, Director ng PRO 12, ang opisyal na cartographic sketch ay kanilang ipinalabas matapos na mauna nang maglabasan ang sari-saring mga cartographic sketch ng bomber na hindi opisyal at iba ang itsura sa hinahanting na salarin.
“The alleged bomber is male and described to be 20 to 25 years old, 5’6 to 5’7” tall, weighs 55 to 60 kilograms and of medium built and white complexion”, ani Rasco sa mediamen.
Sinabi rin ni Rasco na patuloy ang pagsisiyasat sa uri ng Improvised Explosive Device (IED) na pinasabog habang lumilitaw din sa imbestigasyon na ang bomba ay inilagay sa ilalim ng motorsiklo na pag-aari ng isang Cafgu na nakaparada sa isang establisyimento malapit sa isang ukay-ukay store sa lugar.
Samantalang naniniwala ang mga otoridad na may mga kasamahan ang nasabing bomber na naglunsad ng planong paghahasik ng terorismo sa lugar na itinaon sa Hamungaya festival.
- Latest