MANILA, Philippines — Matapos na maaresto ng mga otoridad ang trader ng nanggulpi ng dalawang traffic enforcers, mariin nitong pinabulaanan na sa kanya ang mga baril at granada na nasamsam ng mga pulis nang salakayin ang bahay nito sa Magallanes Village sa Makati City nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa negosyanteng si Arnold Padilla hindi sa kanya ang dalawang granada, kalibre .45 at mga bala na nasamsam ng mga tauhan National Capital Region Police Office (RSOU-NCRPO).
Sinabi rin ng mga abogado ni Padilla na si Atty. Raymond Fortun, na hindi nito pag-aari ang mga armas at itinanim lamang umano ito sa kanyang bahay.
Ipinakita ang kuha ng close circuit television (CCTV) camera sa kusina ng bahay ni Padilla kung saan nakita na may dalawang pulis na pumasok sa kusina ng bahay nito.
Aniya, nauna ang dalawang pulis sa bahay bago pa dumating ang search team mula sa RSOU.
Ayon pa kay Fortun, noong pumasok ang dalawang pulis, wala raw kasamang brgy. officials, o kasambahay ni Padilla at wala rin ang mga media.
Sa CCTV footage, nakitang ipinihit ang camera pataas at hindi na nakita ang ginawa ng mga pulis sa ilalim nito at sa buong kusina ng bahay ni Padilla.
Samantala base naman sa bahayag ni NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, walang katotohanan ang mga akusasyon ni Atty. Fortun.
Sa ngayon si Padilla ay nanatili pa rin sa Saint Lukes Hospital sa Bonifacio Global City dahil sa kanyang blood pressure.