TRAIN Law ginagamit para tumaas ang presyo ng bigas-solon
MANILA, Philippines — Ginagamit ng mga mapagsamantalang negosyante ang TRAIN law at maging ang sama ng panahon upang maitaas nila ang presyo ng bigas.
Kaya’t nanawagan si House Appropriations Committee Chairperson Rep. Karlo “Ang Probinsyano” Nograles sa Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin ang mga hakbang laban sa mga “walang-pusong negosyante” ng bigas.
Ito ay matapos magpasa ang konseho ng Zamboanga City ng resolusyon na humihikayat sa lokal na pamahalaan ng nasabing siyudad na ilagay sa State of Calamity ang lungsod dahil sa lubhang pagtaas sa presyo ng bigas.
Hiniling sa National Food Authority (NFA) na siyasatin ang “abnormal” na presyuhan ng bigas sa nasabing rehiyon at ipalabas sa ahensya ang 6,000 metriko toneladang NFA rice.
Ayon sa mambabatas mula Davao, nanganganib sa ganitong gawain ang mga nasa kanayunan, lalo na ang malalayo sa kabayanan.”
“Habang lumalayo ang mga negosyante sa mata ng pamahalaan ay mas lumalala ang kati ng mga ito na pagsamantalahan ang mga mamimili”.wika ni Nograles.
Noong nagdaang Hunyo, nauna nang binalaan ng DTI ang mga negosyanteng nagmamanipula sa presyo at sobra-sobrang nagpapatubo na maaari silang patawan ng multa hanggang isang milyong piso.
Bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay pinaigting ng DTI ang kanilang pagbantay sa presyo upang tiyakin na ang mga pangunahing pangangailangan at iba pang bilihin ay nasa tamang presyuhan.
Hinikayat din ni Nograles ang publiko na ipagbigay-alam sa mg kinauukulan ang mga establisyimento na nagbibenta ng mga bilihing mas mataas sa SRP.
- Latest