MANILA, Philippines — Hindi umano papayagang makapasok sa bansa ang mga planong pag-angkat ng galunggong mula China na pinangangambahang mayroong formalin.
Ito ang tiniyak ng Malacañang kasunod ng alegasyon ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na ang mga galunggong galing China ay ginamitan ng formalin bilang preservative.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hihigpitan ng gobyerno ang pagpasok at inspeksyon ng mga galunggong sa mga port areas para hindi makapasok sa bansa na pangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Agriculture (DA) kasama ang iba pang mga eksperto ang pagsasagawa ng inspeksyon.
Una nang nagbabala si Health Sec. Francisco Duque III sa mga consumers na iwasan ang pagkain ng galunggong na may formalin dahil mapanganib ito sa kalusugan.