MANILA, Philippines — Sa loob mismo ng kanyang bahay napatay ang isang konsehal ng bayan ng mga suspek na kanyang nakabarilan kamakalawa ng gabi sa Sitio Manaois, Brgy. Poblacion, Lagayan, Abra.
Kinilala ang biktima na si Councilor Isagani Joson. Nakuha ng mga imbestigador sa bangkay ng opisyal ang kanyang cal.45 baril matapos ang insidente.
Si Joson ay nakapagpiyansa sa kasong paglabag sa Comelec Gun ban nang mahulian siya ng armas at apat pang kasama noong kasagsagan ng kampanya ng kanyang misis na si Berna Joson na natalo kay Mayor Jendrix Luna noong 2013. Tumakbong Vice Mayor noong 2016 election si Berna Joson, subalit tinalo naman ng misis ni Mayor Luna na si Joy Chrisma.
Si Joson ang ikalimang konsehal na napatay sa bansa nitong taon.
Magkasunod na pinatay sina Konsehal Alfredo Alvarez ng Rizal at Zaldy Mallari ng Allacapan sa Cagayan nitong Agosto at Mayo. Si Kiamba, Saranggani Councilor Ronilo Mamaclay ay napatay sa isang drug bust noong Hunyo at si San Fernando, Cebu Councilor Alexander Alicaway ay pinabulagta noong Marso.