Away-trapiko sa Maynila... babaeng backrider nabaril ng trader

Boluntaryo namang sumuko sa otoridad at isinurender ang kanyang baril ang negosyanteng si Richard Alpapara Peralta, 50, may-ari ng Chades Tapsilog na matatagpuan sa E. Remigio St. ng naturang lugar.
File

MANILA, Philippines — Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang 22-anyos na babaenang aksidenteng mabaril ng isang negosyanteng umawat lamang sa nag-aaway na mga motoris­ta, sa tapat ng isang tapsilogan, sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.

 

Sanhi ng tama ng pung­lo na mula sa isang Glock 26 na baril sa kanyang likuran, dead-on-arrival ang biktima na si Arcell De Leon Mendoza, office personnel, residente ng No. 363 Lakandula St., Tondo, Maynila.

Boluntaryo namang sumuko sa otoridad at isinurender ang kanyang baril ang negosyanteng si Richard Alpapara Peralta, 50, may-ari ng Chades Tapsilog na matatagpuan sa E. Remigio St. ng naturang lugar.

Sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-12:40 ng mada­ling araw sa tapat mismo ng nasabing tapsilogan na pag-aari ni Peralta.

Nabatid na habang sakay ang biktima ng motorsiklo na minamaneho ni Calvin Mesa, 24, nang masagi umano ng dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo ang kanilang sasakyan na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Nang mapansin ni Pe­ralta ang away ng mag­kabilang partido ay luma­bas siya ng tapsilogan upang umawat subalit sa hindi sinasadyang paggalaw ay pumutok ang kaniyang baril na aksidenteng tumama sa biktima.

Show comments