MANILA, Philippines — Handa sa anumang imbestigasyon ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) hinggil sa pagkamatay ni Angelito Avenido Jr., na suspek sa panghoholdap at pagpatay kay Ombudsman Assistant Special Prosecutors Madonna Joy Ednaco-Tayag.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., bukas sila sa anumang imbestigayon na isasagawa ng kahit anong grupo, organisasyon at ibang sangay ng gobyerno.
“Wala pong may gusto na mangyari kay Avenido. Agad nating dinala sa ospital ang wounded detainee para sana ma-survive pero namatay kalaunan. Tayo po ay bukas sa anumang imbestigasyon,” sabi ni Esquivel.
Nasawi si Avenido matapos agawin ang baril ng kanyang police escort na si PO3 Ramil Langa sa ikalawang palapag ng QCPD sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Camp Karingal habang siya ay isinasailalim sa fingerprint at mug shots bilang ‘routine procedure’.
Nakipambuno si PO2 Langa kay Avenido, hanggang pumutok ang nasabing baril na tumama sa pagitan ng baba at leeg ng suspek. Naisugod pa sa East Avenue Medical Center si Avenido pero hindi na ito umabot ng buhay.
Sinabi ni Esquivel, kaya walang posas si Avenido ay dahil kinukuhanan siya ng fingerprint bilang bahagi ng ‘booking process’ at pagsunod sa inilabas na commitment order ng korte na marapat ng ilipat sa Quezon City Jail dahil sa kasong robbery with homicide.
Si Avenido ang siyang tinukoy ng isang testigo na responsable sa panghoholdap at pagpatay sa buntis na lady prosecutor.
Noong madakip si Avenido ay nabawi sa kanya ang dalawang identification cards ng biktima dalawang coin purses na may susi, P9,000 cash at isang OPPO mobile phone kaya kumbinsido ang mga awtoridad na siya nga ang may kagagawan ng panghoholdap at pagpatay sa buntis na prosecutor.