MANILA, Philippines — Tuluyan ng pinalaya ang deputy chief of police ng President Roxas, North Cotabato na dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na may 7 buwan na ang nakakalipas matapos na siya ay personal na sunduin kahapon ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa kuta ng mga rebelde.
Batay sa ulat, ilang buwan din ang naging negosasyon bago pumayag ang NPA na i-turn over kay Pangulong Rodrigo Duterte si Police Inspector Menardo Cui na dinukot noong December 28, 2017.
Dito ay inatasan ni Pangulong Duterte si SAP Go na sunduin sa kuta ng NPA si Cui para i-turn over sa PNP-Region 11.
Nangyari ang pagpapalaya kay Cui sa Sitio Apog Apog, Barangay Panaka, Magpet, North Cotabato na kung saan ay sinamahan din ni Go si Cui kay PNP-11 Director Manuel Gaerlan.
Nabatid na dinukot ng mga hindi nakilalang suspect si Cui noong December 28, 2017 na kalaunan ay inako ng mga rebelde.
Habang nasa kamay ng mga rebelde, nagpadala ng video si Cui na nagsasabing maayos ang trato sa kanya habang umapela siya kay Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang peace talks kahit sa pamamagitan ng back channel lamang samantalang nanawagan siya sa AFP ng pansamantalang suspension ng military operations sa lugar.
Si Pangulong Duterte ay kilalang kaibigan ng mga rebelde noong alkalde pa lamang ito sa Davao kung saan kasa-kasama si Go sa pagdalaw ng mga ito sa kuta ng mga rebelde.
Pinayuhan ni Go si Cui na bago ang lahat ay unahin nya ang pagbisita sa puntod ng pumanaw na asawa.