State of calamity idineklara sa Marikina
5-K katao, inilikas...
MANILA, Philippines — Kasunod nang walang tigil at malakas na buhos ng ulan dulot ng bagyong ‘Josie’, ay nagdeklara na si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ng state of calamity sa kanilang lungsod.
Sinabi ni Teodoro, layunin nang pagdedeklara niya ng state of calamity, na mas mapabilis ang rehabilitation at relief efforts ng lungsod.
Nagpapatupad na rin aniya sila ng price monitoring sa lahat ng pamilihan upang matiyak na walang negosyante na mananamantala sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Tiniyak din ng alkalde na alinsunod sa kasunduan nila ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay matagal nang may mga suplay ng gamot at pagkain para sa mga evacuees, na nagagamit na aniya nila sa pagtulong sa mga nagsilikas na residente.
Nabatid na hanggang alas-2:00 ng hapon nitong Linggo ay umaabot na sa 1,207 pamilya o 5,071 indibidwal ang napilitang lumikas ng kanilang tahanan matapos na itaas sa ikalawang alarma ang alerto ng Marikina River.
Kasabay nito, nagdeklara na rin si Teodoro na walang pasok sa eskuwela ngayong araw sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, sa kanilang lungsod dahil ang kanilang mga paaralan ay ginagamit bilang evacuation area ng mga lumikas na residente.
- Latest