MANILA, Philippines — Dahil sa nalalapit na ang eleksyon ay nauuso ang pagpatay sa ilang local officials kaya’t iminungkahi ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magtatag ng National Task Force na tututok sa crackdown laban sa private armed groups at mga hired killers.
Anya, dapat umanong maging maagap ang mga otoridad dahil sigurado na darami ang mga pupuntiryahing lokal na opisyal habang papalapit ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Oktubre.
Malaki ang paniwala ni Sarmiento na itatag ang National Task Force at tututok lamang sa pagbuwag ng private armed groups at hired killers na mas malaki ang tsansa na mapahinto ang nasabing grupo.
Kung hindi agad kikilos ang PNP at AFP ay posibleng maging madugo na naman ang 2019 elections dahil nandiyan pa rin ang political warlords.
Kung sakali na maitatag ang National Task Force ay unahin ang mga lugar na tradisyonal na magulo at mainit sa tuwing eleksyon.