MANILA, Philippines — Nasa 116 barangay sa ilang bahagi ng Luzon at Metro Manila ang lubog pa sa baha sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng habagat.
Ito ang inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na kung saan ay nagbabadya ang panibagong Tropical Depression o paparating na bagyong Inday.
Ayon sa PAGASA, posibleng patindihin pa ni Inday ang kondisyon sa 116 mga barangay na lubog pa rin sa tubig baha sa Bataan, Zambales, Bulacan, Cavite, Occidental Mindoro at maging sa Metro Manila.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON at maging sa Region IV-B na asahan na ang matinding epekto ng malalakas na pagulan.
Sinabi ng opisyal na ang mga pagbaha ay nakaapekto sa kabuuang 2,401 pamilya o kabuuang 7,949 katao sa Region 3, Region IV, V at maging sa National Capital Region (NCR). Habang nasa 482 mga pasahero ang naiulat na stranded sa mga pantalan ng Palawan, Camarines Sur, Batangas at Occidental Mindoro.