Mayors kakasuhan kung ‘di magsuspinde ng klase
Kapag mayroong bagyo...
MANILA, Philippines — Nakatakdang kasuhan ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang sinumang mayor na hindi kaagad makakapagsuspende ng klase sa kanyang nasasakupan kapag may malakas na pag-ulan, pagbaha at iba pang kalamidad.
Ito ang sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III at ang mga constituents ng isang lungsod at munisipalidad ang maaaring magsampa ng kaso sa kanilang mayor na nagpapabaya sa kani-kanilang mga tungkulin.
Dapat anya ay alas-4:30 ng madaling araw ay gising na ang mga local chief executive kung may malalakas na pag-ulan, pagbaha at iba pang kalamidad sa kanilang lugar para makapagdeklara ng suspension ng klase habang alas-11:00 ng umaga ang tamang oras para class cancellation sa mga estudyante sa pumapasok sa hapon.
Hindi naman pabor si Densing na ibalik sa Department of Education (DepEd) ang pag-aanunsiyo sa pagsuspende sa klase ng mga estudyante kapag masama ang panahon.
Sinabi ni Densing, sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa ay may local disaster risk reduction councils na pinamumunuan ng mga alkalde ang siyang may karapatan sa ‘class cancellations’ dahil sila ang nakakabatid ng sitwasyon kung mayroong malakas na pag-ulan, pagbaha, landslide at iba pang kalamidad.
- Latest