MANILA, Philippines — Malaking bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ang lumubog sa tubig baha sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng habagat na dahilan din para magsuspinde ng klase sa lahat ng paaralan at maging ang ilang tanggapan ng gobyerno.
Ito ang iniulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, sanhi ng malawakang mga pagbaha ay maraming mga motorista at commuters lalo na sa Metro Manila ang naapektuhan habang ang iba naman ay na-nahirapang makasakay.
Bagaman nakalabas na ng bansa ang bagyong Henry ay iniulat ng PAG-ASA na magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan dulot ng habagat hanggang Biyernes dahil isa pang Low Pressure Area (LPA) na nagbabadyang papasok sa bansa.
Ang southwest monsoon rains o habagat ay nagdulot ng mga pagbaha sa Metro Manila kabilang ang lungsod ng Maynila, Malabon, Caloocan, Marikina, Navotas, Quezon, Mandaluyong at iba pa.
Malaking bahagi rin ng Pampanga ang binaha, 26 Barangay sa Brgy. Sto Niño sa Hagonoy, Bulacan maging sa iba pang bahagi ng Luzon at sa Western Visayas ay iniulat din ang mga pagragasa ng baha.
Sa Maynila, naapektuhan ng mga pagbaha ang kahabaan ng Taft Avenue tulad ng Quirino, Padre Faura, Pedro Gil, Kalaw at Padre Burgos bunsod upang ideklara ng Manila City Hall na walang pasok gayundin ang Korte Suprema.
Dumanas din ng mula bukong bukong na hanggang tuhod na mga pagbaha ang malaking bahagi ng Mandaluyong City partikular na sa Maysilo Circle, Acacia Lane, Francisco, Addition Hills, Boni Avenue at iba pa. Iniulat din ang hanggang tuhod na mga pagbaha sa A Luna St., Brgy. Salapan sa San Juan City.
Bantay sarado rin ang Marikina City River sa posibleng pag-apaw nito na naitala sa 15.5 metro ang level ng tubig habang naranasan ang mga pagbaha sa Brgy. Concepcion Dos, Katipunan, Lilac, Olive, Aquamarine, Russet Streets na hindi madaanan ng maliliit na uri ng behikulo.
Matinding mga pagbaha rin ang naitala sa malaking bahagi ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) na umaabot sa mahigit 30 barangay ang apektado.
Nagkaroon din ng mga pagbaha sa mga pangunahing highway sa San Mateo, Cainta, Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.
Iniulat din ng NDRRMC na marami ring mga pasahero ang stranded sa mga pantalan ng Luzon habang suspendido rin ang klase sa Central Luzon , Region IV A at Region IV B.
Nasa 7 barangay naman sa Sta Cruz at Sablayan, Occidental Mindoro habang nasa apat na bahay naman ang nawasak sanhi ng malalakas na hangin at pag-ulan sa Purok Balinghoy, Brgy. Busay, Bago City; Negros Occidental.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Jalad ang mga residente na umiwas sa mga landslides at flood prone areas at inalerto rin ang mga lokal na opisyal na magpatupd ng forced evacuation kung kinakailangan.