MANILA, Philippines — Matapos ang masusing imbestigasyon at surveillance ng mga otoridad, nadakip sa kanyang tahanan sa lungsod ng Laoag sa lalawigan ng Ilocos Norte ang isang lalaki na umano’y nagbebenta sa mga law students ng bar review materials ng isang lehitimong reviewing center sa Las Piñas City.
Kinilala ng Laoag City Police ang inarestong suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175), Electronic Commerce Act (RA 8792) at Intellectual Property Code of the Philippines na si Jake Bryson Dancel, nasa hustong gulang, at residente ng Sitio 3, Bgy. Buttong ng naturang lungsod.
Si Dancel ay dinakip bunsod ng reklamong isinampa ni Atty. Hazel Riguera, pangulo ng Jurists Review Center Inc., na may tanggapan sa Azucena Arcade sa Alabang-Zapote Rd, Brgy. Pamplona, sa Las Piñas City.
Batay sa ulat, na-access umano ni Dancel ang website ng naturang review center kung saan ay nakuha nito ang lahat ng nilalaman ng website at ibinebenta sa pamamagitan ng isang Facebook account name na “Res Nullius” at Facebook group na “Law Student Help Group Philippines” ang mga sinasabing online bar examinations review materials sa halagang P2,500.
Sa isang entrapment operation na ikinasa ng mga otoridad ay agad na naaresto ang suspek nitong Hulyo 4 sa kanyang tahanan kung saan nasamsam sa suspek ang dalawang Toshiba hard drive, isang set ng improvised computer, broadband at ang P2,500 marked money.
Pinag-iingat naman ng mga otoridad ang publiko partikular ang mga law students laban sa mga tao na ginagamit ang internet para makapanloko.