Trabaho ko ang tumulong-Bong Go
MANILA, Philippines — Binuweltahan ni Special Assistant to the President Bong Go ang kanyang mga kritiko na bumabatikos sa pagtulong niya sa mga nasunugan at iba pang nangangailangan.
Ayon kay Go na trabaho niya ang tumulong sa mga nangangailangan at kahit kailan naman ay lantad sa kanyang mga natulungan na karamihan sa mga ipinamimigay niya ay donasyon ng gobyerno at ng mga private individual at grup na naniniwala sa kanyang adbokasiya.
Idinagdag pa ni Go, na ang ibang mga donasyon na dinadala niya sa mga nasunugan ay galing sa sariling inisyatiba ng kanyang mga supporters.
Nilinaw ni Go na walang ipinamigay ang DSWD na relief goods na may mukha niya. Ang naipamigay ay mga standard relief goods na pinapamigay sa mga nasunugan o tinamaan ng kalamidad.
Binigyan diin ni Go na hindi nila ugali ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay ang kanilang pangalan sa mga tulong na dinadala nila sa mga nangangailangan at lalong hindi nila inaangkin ang donasyon para sa mga tao.
Kaya’t nanawagan si Go sa mga supporters ni Tatay Digong at pati na rin sa mga sumusuporta sa kanya na ang mga gustong tumulong ay huwag ilagay ang kanyang pangalan at idiretso ang tulong sa tao.
Nagpapasalamat din si Go sa mga supporters na nagbigay ng mga plywood sa mga nasunugan sa Brgy.Vasra bilang tugon sa kanyang apela sa supporters na tumulong nalang sa nangangailangan kaysa magpabillboard.
Panawagan ni Go sa mga kritiko ng administrasyon na sa halip dumada ay tumulong na lang sila sa mga kapus-palad na kababayan.
- Latest