MANILA, Philippines — Tuluyan nang sinamahan ng isang 65-anyos na ina ang kanyang anak sa selda matapos siyang arestuhin ng mga otoridad makaraan umanong tangkain niya na suhulan ng pera ang umarestong pulis sa kanyang anak dahil sa droga nitong Biyernes sa lungsod ng Caloocan.
Nasa custody ngayon ng pulisya ang suspek na si Soraida Gamuranao, ng Phase 12, Riverside, Brgy. 188, Tala ng naturang siyudad.
Ayon kay Caloocan City deputy chief of police for administration na si Supt. Ferdinand Del Rosario, alas-11:30 ng gabi nang dumating ang suspek sa loob ng tanggapan ng Station Drug Enforcement Unit at tinangkang suhulan si PO2 Christian Santos ng P50,000 cash kapalit ng kalayaan ng kanyang anak na kilalang si Salimah Acmad, nasa hustong gulang, na unang naaresto ng mga operatiba dahil sa ipinagbabawal na gamot.
Hindi umubra ang tangkang panunuhol ng suspek kay PO2 Santos kaya agad itong inaresto ng pulis at sinampahan ng kasong paglabag sa Article 212 of Revised Penal Code o Corruption of Public Official sa piskalya ng Caloocan City.