MANILA, Philippines — Sinibak na sa kanilang mga puwesto ang hepe at ang tatlong tauhan nito na umaresto kay Genesis “Tisoy” Argoncillo, ang lalaking nasawi sa loob ng selda ilang araw matapos hulihin sa kasong alarm and scandal.
Sa ulat ni QCPD Director, P/Chief. Supt Joselito Esquivel Jr. kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, P/Chief. Supt Guillermo Lorenzo Eleazar, nabatid na ang mga ni-relieved na pulis ay sina P/Sr. Insp Cyril Dagusen, hepe ng PCP-3 ng QCPD Station 4 at tatlo nitong tauhan na sina PO1 Ruel Tubat, PO1 Paulo Lopez Jr. at PO1 Paul Hector Calderon.
Nabatid naman na inilipat ang apat sa District Headquarters Support Unit (DHSU) sa Camp Tomas Karingal, Quezon City.
Sinabi ni Esquivel, isinasailalim na ngayon sa Pre-charge Evaluation ang apat para madetermina ang administrative liability ng mga ito dahil sa pagkamatay ni Tisoy sa loob ng selda.
Una dito ay ni-relieved ni Esquivel ang PS 4 Commander, na si P/Supt Carlito Grijaldo dahil din sa pagkamatay ni Tisoy habang nasa loob ng selda.