MANILA, Philippines — Sa kalaboso ang bagsak ng isang radio broadcaster matapos na masakote ng mga operatiba ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang raid sa kanyang tahanan sa Brgy. San Isidro, Tarlac City nitong Biyernes.
Kinilala ni Central Luzon Police Director Chief Supt. Amador Corpus ang naaresto na si Evangelino “Jing” Dizon na konektado sa DZTC AM radio ng Tarlac City at naririnig din na nagre-report sa isang malaking istasyon sa Metro Manila.
Ayon kay Corpus, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng Tarlac Provincial Intelligence Branch, PDEA at Tarlac City Police laban kay Dizon matapos na maberipikang nagtutulak ito ng droga.
Si Dizon ay inaresto sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 64 ng lungsod.
Nakuha sa pag-iingat ni Dizon ang limang heat-sealed plastic sachet ng shabu, isang dosenang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana at mga bala ng iba’t-ibang kalibre ng baril.
Nabatid din na si Dizon ay nakatala bilang High Value Target (HVT) na nakisawsaw sa Oplan Tokhang noong 2016.
Nahaharap ngayon si Dizon sa kasong paglabag sa dalawang counts ng Republic Act 9165 o ang Anti-Drugs Act at RA 10591 (Firearms and Ammunition Law). -Joy Cantos at