MANILA, Philippines — Kasong murder ang isasampa sa dalawang inmates na umano ay responsable sa pambubugbog na ikinamatay ng nahuling ‘tambay’ na si Genesis Argoncillo alyas Tisoy na sa kustodya ng pulisya sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ang mga inmates na sina Justin Mercado at Richard Bautista; pawang kasapi ng Sputnik gang base sa imbestigasyon, si Tisoy ay namatay matapos bugbugin nina Mercado at Bautista base sa testimonya ng kanilang tatlong testigo na kasamahan rin nito sa detention cell ng QCPD Station 4.
“Sputnik Gang members Justine Mercado and Richard Bautista, along with some other detainees conspired in beating up Tisoy at the PS 4 lock-up cell that caused his death”, ani Esquivel base sa testimonya ng mga testigong sina Sterence Lamac at Rolly San Jose kung saan ang insidente ay nangyari dakong alas-10 ng gabi noong nakalipas na Hunyo 18 ng taong ito.
Ayon naman sa isa pang inmate na si Nestor Millete nakita niyang binubugbog nina Mercado at Bautista si Tisoy kasama ang iba pang mga preso.
Si Tisoy ay hinuli sa Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City noong nakalipas na Biyernes (Hunyo 15 ) na ayon sa pulisya ay dahilan nasangkot umano ito sa alarm and scandal.Iginiit naman ng mga nakasaksi na hinuli si Tisoy kasama ang iba pang mga tambay dahilan wala itong damit pang-itaas na naaktuhan ng mga pulis habang nagpapa-load sa isang tindahan sa lugar.