MANILA, Philippines — Napatay ng sindikato ng droga ang isang hepe ng pulisya sa naganap na drug bust operation kamakalawa ng gabi sa Malig, Isabela.
Kinilala ang bayaning hepe na si P/Sr. Inspector Angelo Tubaña, 31, miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2013, hepe ng Mallig, Isabela at residente ng Brgy. Vira, Roxas, Isabela.
Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong alas-10:15 ng gabi sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Centro 1, Mallig, Isabela ay pinangunahan ni Tubaña ang buy bust operations laban sa mga target na drug personality.
Nang matunugan ng mga suspek na mga pulis ang kanilang naka-deal bigla na lamang ang mga itong nagbunot ng baril at pinaputukan ang mga operatiba at tinamaan sa kanan bahagi ng katawan si Tubaña, habang mabilis na tumakas ang dalawang suspek gamit ang isang XRM 125 na motorsiklo.
Agad naman dinala sa Yumenas Hospital sa Roxas, Isabela si Tubaña pero binawian ng buhay habang isinasalba ng mga doktor.
Sa isinagawang follow-up operation kahapon ng umaga ng pulisya ay nadakip ang dalawang suspek sa Brgy. Nambaran, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang mga ito na sina Warren Bulawit, 19, tricycle driver ng Brgy. Nambaran, Tabuk City at 17-anyos na menor de edad na kasama nito na hindi na tinukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan.