ISFs sa Estero de Magdalena, ire-relocate sa Cavite

Katulong ng PRRC ang Metro Manila Deve­lopment Authority, Local Government ng Maynila at ilang pamilya ng informal settlers sa Bayanihan Cleanup nitong Hunyo 13 at ginawang manu-mano ang paglilinis sa ilalim ng mga barumbarong.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Maire-relocate na sa Trece Martirez City, Cavite ang informal settler families (ISFs) sa Estero de Magdalena sa Tondo, Maynila.

Ito ang tiniyak ni Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E, Goitia matapos  naunang nai-relocate ng PRRC sa mga pabahay ng National Housing Authority (NHA) ang 1,009 pamil­ya sa Pandi at Norzagaray, Bulacan at Paradise Heights sa Tondo, Maynila at muling magre-relocate ang PRRC sa ­Hunyo 20 para masimulan na ang Estero de Magdalena Linear Park.

“Pinagtatrabahuhan namin] na marelocate na lahat dahil napansin namin na kapag pakonti-konti ay may mga nagbabalikan. Nakausap na po naming ang receiving LGU [Mayor Melandres G. De Sagun at napapa­yag na po sila na tanggapin sa Trece Martires ang mga mare-relocate mula sa Estero de Magdalena,” ayon kay Goitia.

Katulong ng PRRC ang Metro Manila Deve­lopment Authority, Local Government ng Maynila at ilang pamilya ng informal settlers sa Bayanihan Cleanup nitong Hunyo 13 at ginawang manu-mano ang paglilinis sa ilalim ng mga barumbarong.

“Kaya nagpasiya na po kami na i-relocate na lahat ang natitirang mahigit 2,000 ISFs sa Estero de Magdalena para po sa pangmatagalang solusyon sa problemang ito,” diin ni Goitia.

Idinagdag ni Goitia na hindi na maaaring bumalik sa Estero de Magdalena ang mga ire-relocate na ISFs dahil maghihigpit ang Department of Interior and Local Government (DILG) na kakasuhan ng dereliction of duty ang mga kapitan na papayagang bumalik ang mga iskuwater.

Show comments