MANILA, Philippines — Nakatakdang arestuhin at sampahan ng kaso ang grupong Kadamay kapag muli itong nagsagawa nang pang-aagaw ng bahay partikular sa mga housing units na nakalaan para sa mga sundalo at pulis.
Ito ang naging babala kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Oscar Albayalde sa gitna na rin ng ginawang pagtatangka ng nasa 500 miyembro ng Kadamay na illegal na okupahan o tirhan ang sinugod na housing projects ng pamahalaan para sa mga pulis at sundalo sa Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal .
“They can be arrested for that, whether there is an order or not eh kung makita naman talaga natin na basta -basta nila pinapasukan yung ari-arian ng may ari-arian o bahay ng may bahay that’s trespassing”, anang PNP Chief na sinabing isa itong paglabag sa batas.
Sinabi ni Albayalde na handa silang magbigay ng suporta sa National Housing Authority (NHA) upang bigyang proteksyon ang mga pabahay ng gobyerno laban sa Kadamay na nagtatangkang illegal itong agawin sa lehitimong may-ari.
Ayon pa kay Albayalde na hindi na nila muling papayagan na muling okupahin ng mga kinauukulan ang ilang pang pabahay ng gobyerno na nakalaan para sa mga unipormed personnels ng PNP tulad ng ginawa ng grupong Kadamay sa Pandi, Bulacan noong Abril 2017.
Sa kabila nito ay hindi pa natatapos ang isyu ng pang-aagaw ng mga pabahay ng gobyerno ng grupo ng Kadamay dahil nagbanta ang mga ito na hindi titigil sa paghahanap ng mga housing projects na walang umookupa upang magkabahay umano ang hanay ng mga maralitang katulad nila sa lipunan.