MANILA, Philippines — Dahilan sa mahinang performance kontra illegal drugs campaign ay nasa 24 hepe ng pulisya sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) ang sinibak sa kanilang mga puwesto.
Inianunsyo ni P/Chief Supt. Emmanuel Luis Licup, Regional Director ng MIMAROPA Police ang pagsibak niya sa 24 hepe sa kaniyang hurisdiksyon bilang pagtalima sa kautusan ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde sa walang humpay na anti-drug campaign.
Ayon kay Licup na bukod sa mahina ang performance sa giyera kontra droga ang iba ay bokya o walang huling drug pushers gayundin ay mahina rin ang mga ito sa anti-criminality campaign.
Ang pagsibak sa 24 hepe ng pulisya ay inirekomenda ni Sr. Supt. Ferdinand Garay, Deputy Regional Director for Operations ng MIMAROPA base sa ebalwasyon sa performance ng mga ito mula Disyembre 5, 2017 hanggang Mayo 31, 2018.
Kabilang sa mga nasibak na opisyal ay apat sa Oriental Mindoro na kinabibilangan ng mga hepe ng Bongabong, Bulalacao, San Teodoro at Mansalay. Lima naman sa Occidental Mindoro na mga hepe sa bayan ng Looc, Lubang, Calintaan, Paluan at Abra de Ilog.
Sa Marinduque ay ang hepe ng Sta Cruz habang lima sa Romblon na kinabibilangan naman ng mga hepe ng Alcantara, Calatrava, San Agustin, Sta Fe at Ferrol.
Samantalang sa Palawan ay ang mga hepe sa mga bayan ng Aborlan, Agutaya, Balabac, Bataraza , Brooke’s Point, Culion, Linapacan at Quezon. Nasibak din ang hepe ng Irawan Police Station sa Puerto Princesa City.
Binalaan ni Licup ang 53 pang mga Chief of Police at Officer in Charge mula sa kabuuang 77 opisyal na pagbutihin pa ang pagtatrabaho sa anti-criminality at anti-drug campaign kung ayaw nilang sunod na masisibak.