Pari itinumba sa simbahan
MANILA, Philippines — Sa mismong likuran ng altar ng simbahan pinagbabaril ang isang pari na handa na sanang magmisa naganap kamakalawa ng gabi sa Zaragosa, Nueva Ecija.
Ang biktima na namatay noon din dahil tama ng bala sa ulo at katawan ay kinilalang si Fr. Richmond Nilo, 40.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pamamaslang sa biktima dakong alas-6:05 ng gabi sa likuran ng altar ng kapilya ng simbahang Katoliko sa Brgy. Mayamot ng nasabing bayan ay kasalukuyang nagbibihis si Fr. Nilo sa likuran ng altar para sa gagawing pagmisa nang biglang sumulpot ang dalawang salarin na lulan ng motorsiklo na sumilip sa bintana ng simbahan.
Pinaputukan ang pari ng pitong beses sa ulo at katawan na binawian ng buhay noon din sa insidente Mabilis na nagsitakas lulan ng kulay asul na motorsiklong Honda Wave patungo sa direksyon ng Brgy. Panambingan, San Antonio ng lalawigan.
Si Nilo ay dating Pangulo ng College of the Immaculate Conception sa Cabanatuan City.
Ipinag-utos na ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) upang imbestigahan at resolbahin ang pamamaslang kay Fr. Nilo.
Ipinamo-monitor din ni Albayalde sa mga hepe ng pulisya sa buong bansa ang mga paring may death threat upang mabigyan ang mga ito ng proteksyon at nanawagan din sa kaparian sa bansa na makipagkoordinasyon sa PNP para sa kanilang kaligtasan.
Sa tala si Nilo ang ikatlong pari na pinaslang sa loob ng anim na buwan ng motorcycle riding in tandem na mga armadong salarin.
Magugunita na si Fr. Marcelino Paez, kura paroko sa Jaen, Nueva Ecija ay pinagbabaril at napatay noong Disyembre 4 ng nakalipas na taon; Fr. Mark Ventura ay napatay naman matapos na magdaos ng misa sa Gattaran, Cagayan noong Abril 29 ng taong ito at Fr. Rey Urmeneta ng St. Michael de Archangel Parish ay sugatan naman sa ambush sa Calamba City, Laguna noong nakalipas na linggo.
- Latest