MANILA, Philippines — Sinisi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa paglala ng isyu sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Kaya’t patuloy ang pagkukumahog ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maibalik ang magandang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon kay Lorenzana na ipinamana ng nakalipas na rehimeng Aquino sa pamahalaan ni Pangulong Duterte ang malala at nagkalamat ng relasyon sa agawan ng teritoryo sa pagitan ng China at ng bansa.
Nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte sa puwesto noong Hulyo 2016 ay mainit na ang tensyon sa pagitan ng Beijing at Manila kung saan pati pakikipagkalakalan sa China ay naapektuhan.
Kaya’t maging ang mga mangingisdang Pinoy ay hindi makapamalakaya sa Scarborough (Panatag) Shoal dahilan hinaharass ang mga ito ng Chinese Coast Guard.
“Now, we sell our bananas there, they buy all our bananas, their tourists here have doubled, we can fish there and our troops are not harassed except that isolated incident in Ayungin Shoal. Is that mismanagement” we have managed it very well through the President’s leadership,” pahayag ni Lorenzana .
“For me, that is not mismanagement. The one that mismanaged was the previous administration dahil nagkagulu-gulo rito dahil mismanage,” giit pa ng Defense Chief.
Matatandaan na nagsimula ang tensiyon sa Scarborough Shoal noong 2012 sa pagitan ng Pilipinas at China matapos ang standoff nang tangkain ng tropa ng Philippine Navy na arestuhin ang mga fishing vessels ng China na nangingisda sa karagatan ng Zambales na nasasaklaw ng teritoryo ng bansa.
Nagsampa rin ng diplomatic protest ang administrasyong Aquino laban sa China sa Permanet Court of Arbitration (PCA) kaugnay ng isyu sa Scarborough Shoal at 2016 ay pinaburan ng PCA ang Pilipinas laban sa China pero nagdesisyon si Pangulong Duterte na huwag ng ipamukha pa sa Beijing ang ruling bilang bahagi umano ng independent foreign policy ng Pilipinas.