MANILA, Philippines — Umapela si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada sa Manilenyo na magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura ngayong tag-ulan na maaaring magdulot ng pagbabaha sa ilang lugar sa lungsod.
Ang pahayag ni Estrada ay bunsod na rin ng pangamba na magbaha sa ilang kalsada sa lungsod dahil na rin sa walang habas na pagtatapon ng mga basura kung saan-saan.
Aniya, hindi maikakaila na ang basura ang pangunahing dahilan ng pagbabara ng mga estero, kanal o anumang daluyan ng tubig lalo na kung umuulan.
“May oras naman ng daan ng mga trak ng basura na dapat na sundin upang hindi kumalat sa kalsada hanggang sa anurin ng tubig dahil sa lakas ng ulan. Kadalasang ang mga maruruming tubig ay sumasama sa supply ng tubig sa mga kabahayan”, pahayag ni Estrada.
Pinag-iingat din ng Alkalde ang mga residente na maging maingat mula sa mga sakit na dulot ng ulan o maruruming tubig at umiwas sa baha upang maiwasan ang sakit na leptospirosis, alipunga at galis.
Umapela rin si Estrada sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag hayaang lumangoy sa mga baha sa pangamba na makakuha ang mga ito ng sakit mula dito.