MANILA, Philippines — Dalawang lalaking holdaper ang napatay ng mga otoridad matapos makipagbarilan sa mga pulis nang manlaban ang mga ito nang holdapin ang isang may-ari ng restaurant kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., inaalam pa ng kanyang mga tauhan ang pagkakakilanlan ng mga suspek na ang isa ay inilarawan lamang na nasa pagitan ng 35 hanggang 40-anyos, nasa 5’7” ang taas, katamtaman ang laki ng katawan, nakasuot ng itim na t-shirt, maong pants, itim na bonnet at itim na ball cap; habang ang isa ay nasa hanggang 30-anyos lamang, nasa 5’1” ang taas, medium built, fair complexioned, at nakasuot ng t-shirt, maong pants at gray na bonnet.
Batay sa ulat,bago nangyari ang shootout dakong alas-8:25 ng gabi ay hinoldap ng dalawang suspek ang Famous Kitchen sa Scout Tobias, Brgy. Laging Handa at nang makuha ang cellphone at cash ng may-ari ng restoran ay tumakas ang mga ito sakay ng itim na Smash Suzuki motorcycle na walang plaka.
Kaagad namang nag-report sa PS-10 ang service crew ng tindahan kaya’t rumesponde ang mga otoridad.
Nagsagawa ng Oplan Sita sa Roces Avenue, malapit sa Gate 1 ng Amoranto Stadium sa Brgy. Paligsahan at nang maispatan ang mga suspek ay pinara ang mga ito.
Tumangging tumigil ang mga suspek, sa halip ay humarurot patungo sa Morato St., kaya’t hinabol at nagkaroon ng ‘running gun battle’ hanggang sa makorner ang dalawa at mapatay.
Narekober sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 revolver na walang serial numbers at mga bala, gayundin ang cellphone at cash money na nakuha sa negosyante.
Lumalabas din na ang dalawang napatay na suspek ay responsable sa dalawang robbery incidents noong Hunyo 1, 2018 sa F. Manalo corner Judge Jimenez sa Brgy. Paligsahan at sa isang Japanese restaurant sa Scout Tobias, Brgy. Laging Handa, Quezon City.