Manibela inagaw ng pasahero...
MANILA, Philippines — Patay ang tatlong pasahero habang sugatan ang 40 iba pa matapos mahulog ang sinasakyan nilang bus sa inaayos na tulay sa Tanauan, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang tatlong pasahero na kinilalang sina Brian Noterte, 30; Queenly Galagnara, 3; at Wendel Simbajon, 15.
Sa report ng Leyte Police Provincial Office (PPO), bago naganap ang malagim na trahedya dakong alas-11:45 ng gabi sa kahabaan ng ginagawang Solano Bridge sa Brgy. Buntay ay binabaybay ng Philtranco Bus (ACA-9771) na may lulang 52 pasahero na minamaneho ni Edgardo Legaspi na patungo sanang Surigao del Sur nang ito umano ay mapagtripang agawin sa kaniya ng binatilyong si Simbajon, ang manibela.
Nawalan umano ng kontrol si Legaspi sa manibela hanggang sa tuluyang mahulog sa tulay ang bus na ikinasawi ng 3 pasahero at ikinasugat ng mga pasahero.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang alibi ng driver matapos na ituro ang binatilyo na siyang may kasalanan sa nangyaring trahedya.