MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga tauhan ng Special Enforcement Squad ng Veterinary Inspection Board ng Manila ang nasa halos kalaha-ting tonelada ng umano’y ‘botcha’ at frozen meats na itinitinda sa kalye, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni Dr. Nicanor Santos, head ng Special Enforcement Squad, namataan nila ang mga nakatiwangwang sa mga tray na mga karne sa panulukan ng Juan Luna at CM Recto Avenue, nang sila ay magsagawa ng routine inspection.
Nang lapitan ay naglaho ang mga tindera at inabutan na lamang ang mga karne na nilalangaw na naka-display sa mga tray habang ang iba pa na pawang botcha ay nakalagay sa mga bayong.
Isasailalim sa pagsusuri o laboratory tests ang mga karne bago ito ibaon sa lupa na mistulang delikado na para makonsumo ng tao.