MANILA, Philippines — Umabot sa 100 pamilya ang bilang nang nawalan ng tahanan habang apat na katao naman ang naiulat na nasugatan sa naganap na sunog sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Nabatid mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, ang sunog ay sumiklab dakong alas-7:40 ng umaga sa tahanan ng isang Maring Millabis ng Barangay Old Balara sa lungsod.
Dahil sa magkakadikit ang mga bahay at pawang gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy at itinaas sa ikatlong alarma ang sunog.
Apat na katao ang naitalang nasugatan kabilang ang isang fire volunteer na si Virgilio Cabiga, 35, Yvon Cabunillas, Fernal Alvarado at Marianito Banal, pawang nasa hustong gulang.
Nagtagal ng mahigit sa isang oras ang sunog bago tuluyang naapula ganap na alas-8:45 ng umaga.
Hindi pa matukoy ng mga arson investigators ang sanhi ng sunog pero may nagsasabing mula sa naiwang nakasinding LPG nagmula ang apoy.
Nananatili ngayon sa kani-kanilang mga kamag-anak at covered court sa Old Balara ang mga nasunugang pamilya.