Task Force binuo para sa inambus na piskal

Ang dalawang cartographic sketch na inilabas ng QCPD na sinasabing bumaril at nakapatay sa piskal na si Rogelio Velasco.
Mer Layson

MANILA, Philippines — Upang mapabilis ang pagresolba sa kaso ng pamamaslang kay Fiscal Rogelio Velasco, Deputy City Prosecutor Office ng Quezon City kamakalawa ng hapon, binuo kahapon ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang Task Force na tututok at hahawak sa imbestigasyon at magsasagawa ng kaukulang follow-up operation.

Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel, Task Force Velasco ay pamumunuan ni P/Sr. Supt. Ronaldo Genaro Ylagan na siyang District Deputy Director for Operation.

Makakasama ni Ylagan sa Task Force ang eight-member team mula sa iba’t  ibang unit ng QCPD para mabilis na maresolba ang kaso.

Sinabi ni Esquivel, lahat ng posibleng motibo ng pagpatay kay Velasco ay kanilang tinitingnan.

Aniya, may sinusundan na silang malakas na lead at isa na dito ang may kaugnayan sa trabaho ng biktima bilang piskal.

Bukod sa pagbuo ng Task Force Velasco ay nagpalabas din ang QCPD ng dalawang carto­graphic sketch na sinasabing bumaril at nakapatay sa biktima.

Si Velasco ay nasawi noon din matapos na ambusin ng hindi pa nakila­lang mga armadong lalaki dakong alas-4:55 ng hapon noong Biyernes habang lulan ng kaniyang sasakyan na bumabagtas sa kahabaan ng Holy Spirit Drive malapit sa Puregold Jr. sa Brgy. Holy Spirit ng lungsod.

Ang mga suspek ay sakay ng kulay puting Innova (NXR 256) na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Tiniyak ng mga suspek na patay na ang biktima bago nila ito iniwanan dahil nagtamo ng 12 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Show comments