Pagsibak ng Ombudsman binaligtad...
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Court of Appeals ang utos ng Ombudsman na pagsibak kay dating Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay sa pagiging mayor at pagdiskwalipika sa paghawak nito ng posisyon sa gobyerno.
Ito ay may kaugnay sa kaso sa konstruksyon ng Makati City Hall Parking Building na sinasabing nagkakahalaga ng P2.28 bilyon na kung saan noong September 7, 2015, hinatulang guilty ng Ombudsman si Binay at ang 19 na iba pang opisyal ng Makati City government sa kasong serious dishonesty at grave misconduct dahil sa umano’y overpriced na parking building.
Sa 159-pahinang desisyon ng CA 10th Division na pinonente ni Associate Justice Edwin Sorongon, pinaboran nito ang petisyon ni Binay kasabay ng pagbasura sa reklamong administratibo na isinulong ng Ombudsman laban sa dating alkalde.
Sinabi ng appellate court na moot and academic na ang administrative complaint laban kay Binay dahil ang pinagbatayan ng reklamo ay saklaw pa ng tinatawag na condonation doctrine.
Paliwanag ng Court of Appeals na bagama’t inabandona na ng Korte Suprema noong November 2015 sa desisyon nito sa kaso ng Carpio-Morales versus Court of Appeals ang condonation doctrine dahil sa kawalan ng basehan sa 1987 Constitution, ang desisyong ito ng Kataas-taasang Hukuman ay “prospective” ang magiging porma ng aplikasyon ng desisyon.
Ibig sabihin, maaari lamang ipatupad ang pag-abandona sa condonation doctrine sa mga insidente o kaso na isinulong lagpas sa November 2015.
Nakasaad din sa desisyon ng CA na ang umano’y iregularidad sa pagpapatayo ng Phase III hanggang V ng MCHPB na basehan ng kasong serious dishonesty at grave misconduct laban kay Binay ay nangyari bago pa ito mahalal noong 2013.
Nag-ugat ang kaso laban kay Binay sa inihaing reklamo sa Ombudsman ng mga dating barangay Chairman ng Makati na sina Renato Bondal at Nicholas Enciso dahil sa anila’y overpriced na 11-storey building na may limang palapag na parking levels at anim na palapag bilang opisina.
Sinisisi naman ni Binay ang kanyang mga kalaban sa pulitika sa pagsasampa ng kaso dahil nais ng mga ito na sirain ang kanyang amang si dating Vice President Jejomar Binay na noo’y tumakbong presidente noong 2016.