MANILA, Philippines — Tila isang dagang nasukol ang pangunahing suspek na kumatay sa anim na katao kabilang ang buntis nitong live-in-partner at limang kaanak nito, at pagkasugat ng isa pa sa naganap na masaker sa lalawigan ng Nueva Ecija nitong Biyernes ng madaling araw matapos siyang madakip ng mga pulis makaraan ng halos labinglimang oras na pagtatago sa isang lugar sa Barangay Cutcot, Tarlac City noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Chief Supt. Amador Corpus, Central Luzon Police Director, ang naarestong suspek na si Jessie Tesoro, 34, tubong Capas, Tarlac.
Sa panayam ng media, agad niyang inamin na siya ang pumatay sa mga ito. At nagawa lang niya ito umano dahil masyado umano siyang inaapi ng pamilya dahil wala siyang trabaho.
Ayon kay Corpus, naaresto ang suspek sa tulong ng Citizen Eyewatch Against Crime (CEAC) sa paligid ng kabayanan ng siyudad ng Tarlac habang inaantay nito ang mga kamag-anak.
Nakilala ang mga namatay sa malagim na masaker na sina Jennifer Caballero, live-in-partner ng suspek, Leonila Caballero, 48, nanay ni Jennifer, mga anak at manugang na sina Josua Caballero, 10, Abby Caballero, Sergio Caballero, 29, at Sonny Custodio.
Samantala, ang nakaligtas si Annalyn Custodio, kapatid ni Jennifer, ay kasalakuyang nagpapagaling sa Paulino J. Garcia Memorial Hospital dito sa lunsod ng Cabanatuan.
Nasampahan na ang suspek ng multiple murder at frustrated murder sa Prosecutors office dito sa Nueva Ecija.