Mag-ama, 10 pa, tiklo sa drug ops
MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 12 katao, na kinabibilangan ng isang mag-ama, sa isinagawang buy-bust operation sa isang hinihinalang drug den sa Brgy. Holy Spirit, kahapon ng madaling araw.
Kabilang sa mga naaresto sina Robert De Leon, 39 at kanyang 17-anyos na anak na si alyas ‘Harry’; Pina Alban, 39; Prince George De Leon, 21; Prey Sanchez, 22; at Ricardo De Guzman, 42; alyas ‘Jerry,’ 16; Alexander Martinez, 22, crew; Ismael Alban, 37, painter; Don Ramos Serrano, 25, Danny Macarana, 47 at Kenneth Acuna Thomas, 27, pawang residente ng naturang barangay.
Ayon kay P/Supt. Rossel Cejas, commander ng QCPD-Station 6, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon sa tahanan ng mga de Leon sa 98 Sta. Maria St. sa Brgy. Holy Spirit.
Target umano ng operasyon si Robert, na nasa drugs watchlist, ngunit sa kanyang menor-de-edad na anak, nakabili ng P200 na halaga ng shabu ang undercover na pulis, kaya’t maging ito ay inaresto.
Bukod sa mag-ama, naabutan din sa drug den ang 10 iba pang suspek, na ang iba ay naaktuhan pang nagsusugal.
Ang mga suspek ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Presidential Decree 1602 o illegal gambling.
- Latest