MANILA, Philippines – Labintatlong lalaki na umano ay mga drug pusher ang nasawi nang manlaban sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa lalawigan ng Bulacan, kahapon.
Sa ulat na tinanggap ni Police Regional Office (PRO) 3 Chief Supt. Amador Corpus mula sa Bulacan Police, pasado alas-12:01 ng madaling araw nang magsimula ang simultaneous anti-drug operations sa buong lalawigan.
Nasa 49 anti-drug operations ang inilunsad ng Bulacan Police kabilang dito ang 46 buy bust operations, isa sa checkpoint at dalawa naman ang sinilbihan ng warrant of arrest.
Nasa 13 armadong kalalakihan ang nasawi sa bakbakan sa Bocaue, Pandi, Sta Maria, Malolos City, Plaridel, Pulilan, San Jose del Monte City; Baliwag at San Rafael.
Nasa 58 namang drug pushers ang nasakote kabilang ang High Value Target na si movie actor Julio Diaz, Mariano de Leon sa tunay na buhay .
Nakumpiska naman sa operasyon ang 216 sachets ng shabu na tumitimbang ng 72.04 gramo habang nakasamsam din ng isang brick ng marijuana at 26 ring sachet ng pinatuyong dahon na tumitimbang ng 510.9 grams. Ang nasabing droga ay tinatayang nagkakahalaga ng P 488, 439.00.
Nasamsam din sa operasyon ang 12 cal. 38 pistols, isang cal. 45 pistol, isang 9 MM pistol, isang hindi pa natukoy na kalibre ng armas at isang granada.
Sa panig naman ni PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao, patunay lamang na ang pagkamatay ng 13 drug suspect sa Bulacan na handa ang mga sindikato ng droga na makipagpatayan para sa kanilang illegal na aktibidades.