MANILA, Philippines — Nasa 4,365 mga manggagawang Pinoy mula sa Kuwait ang nakauwi na sa bansa simula nitong Pebrero 11,2018 matapos ipatupad ng pamahalaan ang repatriation program.
Ayon kay Department of Foreign Affairs acting Assistant Secretary Elmer Cato, sa mga susunod na araw 400 pa na mga OFWs ang inaasahang darating sa bansa na nakapag-avail ng amnestiya mula sa gobyerno ng Kuwait.
Nauna rito 190 na mga distress OFW mula Kuwait kabilang ang 8 menor de edad ang dumating kahapon ng alas-6:15 ng umaga sa NAIA Terminal 1 sakay ng Qatar airways flight QR-934
Pinagkalooban ang mga dumating na mga OFW ng limang libong piso bilang paunang cash assistance at panimula sa kanilang ikabubuhay.
Ang mga ito ay kabilang din sa makikinabang sa beneficiaries ng balik Pinas, balik hanap buhay program para sa kanilang papasuking hanap buhay gayun din sa micro livelihood project.