MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang angkas na lalaki sa motorsiklo na nasangkot sa karambola ng tatlong sasakyan kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Ang nasawi ay kinilalang si Rey Francisco, 27, binata, naninirahan sa Aquino Street, Grace Park West, Caloocan City. Habang sugatan ang nagmamaneho ng sinasakyang motorsiklo na si Reggie Luza.
Batay sa ulat, bago naganap ang aksidente dakong alas-10:30 ng gabi sa kanto ng 7th Avenue at 2nd Street sa Brgy. 105 ay unang sinalpok ng isang Isuzu Tractor Head (RJK-826) na minamaneho ni Aniceto Daulong, 47, ang isang Toyota Innova na minamaneho ni Anna Kristina Chiu.
Hindi agad nakapagpreno si Luza at sumalpok ang kanilang motorsiklo nila sa Toyota Innova dahilan para tumilapon si Francisco at nabagok ang ulo sa kalsada dahil sa walang suot na helmet.
Agad na naisugod sa Manila Central University Hospital ang mga biktima ngunit nalagutan ng buhay si Francisco dahil sa matinding pinsala sa ulo habang nagtamo ng minor na mga pinsala si Luza at si Chiu.