MANILA, Philippines — Naaresto ng tropa ng militar ang isang buntis na miyembro ng teroristang grupo na New Peoples Army (NPA) matapos siyang abandonahin ng kanyang mga kasamahan sa gitna ng bakbakan kamakalawa sa bulubundukin ng Sitio Ulyanon, Brgy. Kalabugao, Impasugong, Bukidnon.
Ang suspek na nasugatan ay kinilalang si Susan Cabusao, 22, limang buwang buntis, miyembro ng Communist Party of the Philippines-NPA na nasa maayos nang kundisyon matapos na bigyan ng first aid ng militar.
Nabatid na dakong alas-2:00 ng hapon noong Sabado ay nagkaroon ng bakban sa pagitan ng tropa ng militar at mga terorista sa nasabing bundok at dito ay nasugatan si Cabusao.
Posibleng sa takot na malagasan sa 20 minutong palitan ng putok ay inabandona ng kanyang mga kasama si Cabusao.
Pinaniniwalaan marami pang kasama ni Cabusao ang sugatan dahil sa dami ng bakas ng dugo sa lugar ng engkuwentro.
Narekober sa lugar ng engkuwentro ang matataas na uri ng baril at mga subersibong dokumento at personal na gamit ng mga terorista.