MANILA, Philippines — Napatay noon din ang isang sinasabing miyembro ng “gun-for-hire” habang sugatan ang isa sa tatlo pa nitong kasama na naaresto sa naganap na shootout sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at mga suspek sa Novaliches, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng QCPD, dakong alas-10:00 ng gabi habang nagsagawa ng Oplan Galugad ang kanyang mga tauhan nang matiyempuhan nila ang apat na lalaking sakay ng isang kulay pulang Toyota Vios na nakaparada sa madilim na lugar at kahina-hinala ang kilos sa Geronimo St, Brgy. Sta Monica.
Nang lapitan ng mga pulis para sila ay tanungin ay agad na bumunot ng baril at pinaputukan na masuwerte namang hindi tinamaan ang mga awtoridad saka mabilis na pinatakbo ang kanilang sasakyan kaya nagkaroon ng habulan at running gun battle.
Maibilis na naitawag sa iba pang mobile unit an insidente kaya naglatag ng blockade at checkpoint hanggang sa makorner ang mga suspek sa Quirino Highway, at nagpatuloy ang putukan na nagresulta ng pagakamatay ng isa sa mga suspek na hindi pa nakikilala, sugatan naman si Aries Libre, 35, at nadakip ang dalawa pa na sina Jerry Taturan, 41, at Gerome Gonzales, 18.
Nabawi sa mga suspek ang isang kalibre 45 baril na armscor, dalawang shotgun na pawang may mga bala.
Nananatili namang tikom ang bibig ng mga suspek na naaresto sa unang araw na pagpapatupad ng gun ban dahil sa nalalapit sa Barangay at Sanggunian Kabataan election sa darating na Mayo 14.