Mag-utol kinatay ng ama

Pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa malagutan ng hininga ang walang kalaban-labang magkapatid na sina Lance, anim na taong gulang at Jivo Lance, 13-anyos ng kanilang ama na pinaniniwalaang sabog sa droga na si Ariston Nacion, 42 anyos.
File

MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng magkapatid na menor-de-edad sa kamay ng kanilang sari­ling ama matapos silang walang patumanggang pagsasaksakin sa kanilang tahanan makaraan itong mag-amok habang napatay naman ‘di katagalan ng mga rumespondeng pulis ang suspek nang tangkain nitong sugurin ng saksak ang mga otoridad naganap kahapon ng umaga sa lungsod ng Taguig.

Pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa malagutan ng hininga ang walang kalaban-labang magkapatid na sina Lance, anim na taong gulang at Jivo Lance, 13-anyos ng kanilang ama na pinaniniwalaang sabog sa droga na si Ariston Nacion, 42 anyos.

Naganap ang insidente alas-10:00 ng umaga sa kanilang tahanan sa Lot 1, Blk 10, Pangilinan St., New Lower Bicutan.

Sa ulat ng Taguig City Police, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil na nagaganap na kaguluhan sa loob ng bahay ng mag-anak at walang tigil na pagtangis at paggibik ng mga bata.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar, naabutan nila ang nag-aamok na suspek at tinangkang sugurin ang mga otoridad kaya’t napilitan ang mga ito na paputukan siya at tinamaan sa kanyang dibdib na agad naman nitong ikinasawi.

Matapos na bumulagta ng suspek ay dito na tumambad sa mga otoridad ang magkapatid na tadtad ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, tigmak sa dugo at wala nang buhay.

Batay sa imbestigasyon, bago ang insidente ay kausap pa ng suspek ang kanyang asawa na nasa abroad at sa hindi nalamang dahilan ay bigla na lamang itong nagwala at pinagbalingan ang mga bata.

Sapantaha ng mga pulis, posibleng naburyong ang suspek na sinasabing bangag sa ipinagbabawal na gamot.

Ang bangkay ng mag-aama ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes para isailalim sa awtopsya.

 

Show comments