Lolo timbog sa P1.5- milyon shabu

MANILA, Philippines — Umaabot sa P1.5 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang lalaki kabilang ang isang 65-anyos sa isang anti-drug operations ng Northern Police District, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ang mga nadakip na sina Johaira Camid, 65, balo, at Jamilon Mustafa, 20, kapwa naninirahan sa Doña Helen, Matrix Village, Brgy. 177 Camarin, Caloocan City.

Sa ulat, bago ikinasa ang buy bust operation dakong alas-10:30 ng gabi ang District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Special Operation Unit (DSOU) sa Brgy, 177 Camarin laban sa target na  si Camid ay nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na talamak ang pagbebenta nito ng droga sa kanilang lugar.

Nagpanggap na buyer ang isang pulis at nakabili ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,000. 

Nang magkabayaran ay lumantad na ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek.  

Bukod sa ibinentang droga ay nakarekober pa ang mga pulis ng isang medium size na plastic sachet na naglalaman ng 50 gramo ng shabu at isa pang plastic bag na naglalaman naman ng 100 gramo ng shabu na tinatayang aabot sa P1.5 milyon.

Show comments