MANILA, Philippines — Tinukoy ng National Capital Region Police Office na 53 lugar sa Metro Manila ang nasa election watchlist na mahigpit na babantayan kaugnay ng gaganaping Barangay at Sanggunian Kabataan (SK) elections sa Mayo 14 ng taong ito.
Ito ang inihayag kahapon ni incoming PNP Chief at kasalukuyang NCRPO Director Oscar Albayalde na kabilang sa mga nasa election watchlist dahilan sa mainit na labanan ng mga kandidato ay ang mga barangay sa hilaga at katimugang bahagi ng Metro Manila na kinabibilangan ng mga lugar sa Navotas; mga lungsod ng Caloocan at Taguig .
Upang matiyak ang seguridad at mapayapang pagdaraos ng halalan ay tinatayang 15,000 pulis ang ipakakalat ng NCRPO sa mga polling precints sa araw ng botohan at maging sa bilangan gayundin sa pagproproklama ng mga nagwaging kandidato.
Inihayag ni Albayalde na ang nasabing mga lugar ay dati nang nakapagtala ng karahasang may kinalaman sa Barangay at Sanggunian Kabataan elections noong 2013.