MANILA, Philippines — Nadakip ng mga otoridad ang isang mag-asawa na sangkot sa online investment scam na nakakakuha ng halos P 1 bilyon sa mahigit 50 biktima gamit ang cryotocurrency o bitcoin sa operasyon sa Vigan City, Ilocos Sur.
Ang mag-asawang nasakote ay kinilalang sina Arnel Ordonio, 27 at misis nitong si Leonady na may-ari ng NewG Bitcoin Investment Trading na ginamit sa cryptocurrency trading na popular sa buong mundo bagay na sinakyan ng mga suspek upang makapanloko ng mga biktima sa kanilang investment scam.
Ang mag-asawa ay nasakote sa entrapment operation noong Abril 4 dakong alas-9:45 ng gabi sa Calle Crisologo, Vigan City, Ilocos Sur at nasamsam sa kanila ang boodle money na ginamit ng mga otoridad sa kanilang pagbitag, laptop, mobile phone na gamit sa kanilang illegal na aktibidades.
Ang pagkakaaresto sa mag-asawa ay matapos na dumulog sa Camp Crame ang 48 na nabiktima ng mag-asawa sa kanilang online bitcoin trading kapalit ng pekeng pangako na tutubo ng malaking interes ang pera.
Nabatid na nasa 33% ang interes na ipinangako ng mag-asawa sa mga biktima sa loob ng 16 araw kung saan ay ibibigay ang tubo sa unang buwan at kapag nag-invest na ng malaki ay dito na gagana ang panlilinlang ng mga suspek.
Sinabi ng isa sa nabiktima na si Rosean Maghunog na P 29 M umano ang ini-invest ng kanilang pamilya sa nasabing bitcoin trading kung saan sa sariling ipon niya ay P 4 M ang kaniyang inilagak at di sukat akalaing pinakakagat lamang sila sa pekeng online scam.
Naaresto lang ang mag-asawa nang isa sa biktima na si Christopher Aguilar ang nagawang makontak si Arnel na nag-alibi na nagkakaproblema lang sila sa website kaya hindi pa maibigay ang mga tubo sa interes ng kanilang investment.
Nakipagkasundo si Aguilar na magbibigay ng karagdagang P 50,000 noong Abril 4 at dito na ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakabitag sa mga suspek.