Laguna shootout: 5 kidnaper, pulis patay
MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang isang bagitong babaeng pulis at limang pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na kidnap for ransom (KFR) group nang mauwi sa shootout ang rescue operations kahapon ng umaga sa Maharlika Highway, Brgy. San Nicolas, San Pablo City, Laguna.
Binawian ng buhay habang ginagamot si PO1 Zarah Andal habang nilalapatan ng lunas ang mga nasugatang pulis na kinilalang sina PO1 Mendoza, PO1 Villaflor, PO1 Orlanes at isang bystander.
Tinukoy naman ang mga napaslang na kidnaper sa pamamagitan ng mga uniporme ng pulis na suot ng mga ito na sina SPO2 Adalla;SPO3 Fernandez; PO3 Dizon; PO2 Rebadulla at isang hindi pa nakilalang kasamahan.
Sinabi ni outgoing PNP Chief P/Director General Ronald dela Rosa na ang mga suspek ay mga pekeng pulis na nakasuot lang ng uniporme ng PNP,pero mga naka-tsinelas lang sa kanilang illegal na aktibidades.
Batay sa ulat,bago nangyari ang shootout dakong alas-6:00 ng umaga sa pagitan ng PNP–AKG operatives at Candelaria Municipal Police Station (MPS) sa Maharlika highway, Brgy. San Nicolas, San Pablo City, Laguna ay nagkaroon muna ng payoff ng P700,000 ransom demand ang mga kidnaper ng biktimang si Ronaldo Arguelles , isang High Value Target (HVT) sa drug war ng PNP.
Si Arguelles ay dinukot ng mga suspek na nagpapanggap na miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pero naka-uniporme ng pulis noong Abril 9 matapos na pasukin ang tahanan ni Arguelles sa Candelaria,Quezon kung saan ay tinangay rin ang mahahalagang kagamitan nito.
Sa follow-up operations ay nasundan ng mga awtoridad ang Toyota Sportivo na may temporary plate 989 na siyang ginamit ng mga suspek sa pagdukot sa biktima.
Nang maramdaman ang presensya ng mga otoridad ay agad nagpaputok ang mga suspek kung saan nagkaroon ng habulan na humantong sa shootout pagsapit sa Maharlika highway na ikinasawi ng limang kidnapers at isang pulis.
Nasagip si Arguelles pero nagtamo ito ng sugat sa katawan na patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Nabatid na si Arguelles ay kabilang sa mga HVT sa illegal na droga sa talaan ng Quezon Provincial Police Office na dalawang beses ng nakulong at nakalaya sa piyansa.
- Latest